Sunday, May 27, 2007

HALAYANG UBE (Purple Yam)

Before going to sleep last night this started to form in my head. By the time I woke up this morning I realized that I have my day mapped out already. For those who do not understand Filipino or tagalog pls. accept my apology because I don't think I can ever give justice to this if I wrote it in English.

Enjoy reading. :-)


HALAYANG UBE

Ipinagdiwang namin ang kaarawan ni Nanay Munsing nuong nakaraang Marso. Lola ko sya pero mapa anak, apo o pamangkin ay Nanay Teng o Nanay Munsing ang tawag sa kanya. Pebrero beinte otso ang tamang araw ng kaarawan nya pero dahil tumapat iyon sa araw na may pasok ay ginawa namin iyon sa unang linggo ng Marso. Kasabay ng pagdiriwang ng kanyang kaarawan ay ang “family reunion” namin. Malaking selebrasyon iyon dahil 89 na sya, madalang na ang umaabot sa ganuong edad ngayon.

Linggo gaganapin ang handaan pero biyernes pa lang ay abala na ang lahat sa paghahanda ng mga putaheng ihahain. Dalawang baboy ang kakatayin, isa para lutuin sa iba-ibang putahe at ang isa naman at lilitsunin. Kasama pa rito ang halos singkwenta pirasong manok at ilang kilong baka na ihahanda rin. Sabado ng gabi ay pinagpuyatan namin ng kapatid ko at ng isang batang pinsang babae ang paglalagay ng icing sa mga cupcake na ihahanda. Sa gitna ng aming pagkaabala ay nilapitan kami ni Nanay Munsing, tinanong kung ano ang ginagawa namin. Sinabi ko sa kanya na para iyon sa bertdey niya. Hindi siya sumagot kundi bagkus ay isa-isang pinulot ang mga basyo ng plastic na nakakalat sa paligid ng lamesa, habang ginagawa niya iyon ay bumubulong na wala man lang suman at halayang ube. Nagkatinginan kaming magkapatid sabay natawa, naaalala pa pala nya na nuong araw tuwing me malaking okasyon sa amin ay siguradong may halayang ube. Kapag walang halayang ube, di kumpleto ang handaan.


Hindi ko alam kung paano nagumpisa ang tradisyon ng paghahanda ng halayang ube tuwing piyesta at pasko sa bahay ng mga lolo’t lola ko sa probinsya. Basta ang natatandaan ko meron kaming ganuon tuwing piyesta at pasko. Masarap ang halayang ube ni Nanay Munseng, yun ang dinadayo ng mga namimiyesta sa amin.

Mahaba ang proseso ng paggawa niyon. Nag-uumpisa iyon sa pagtatanim ng ube ilang buwan bago kailanganin. Para meron kaming halaya tuwing pasko, mayo pa lang nagtatanim na sya ng punla. Kapag piyesta naman gagamitin ay enero pa lang meron na syang itinatanim. Araw-araw nya iyong dinidiligan, inaalisan ng damo at minsan nilalagyan ng maliit na bakod para huwag kainin ng mga manok ang usbong nito at huwag mahukay ng mga alaga nilang aso.

Ilang linggo bago lutuin ang halaya ay aanihin na niya ang mga ubeng itinanim niya. Gamit ang asarol at kalaykay maingat niyang huhukayin ang lupa, di pwedeng di mag-ingat dahil magkakasugat sugat ang bunga. Kapag naani na niya ito ay aalisin nya ang mga nagdikit na lupa rito. Ibubukod nya ang gagamitin punla mula sa lulutuing ube. Hindi pwedeng hugasan ng tubig dahil tutubuan ng ugat o di kaya ay mabubulok ito. Pagkatapos nuon ay itatago nya ito sa ilalim ng banggera. Duon mananatili iyon hanggang dumating ang araw ng takdang pagluluto nito.

Dalawa o tatlong araw bago magokasyon ay ilalabas na niya sa taguan ang ubeng. Huhugasan at eeskobahin niya iyon hanggang sa matanggal ang lahat ng tirang lupang nakadikit dito. Matapos niyon ay magpapakulo siya ng tubig sa isang malaking kawa. Ilalagay nya ang ube duon at pakukuluan hanggang sa lumambot. Kapag malambot na ang ube ay hahanguin niya iyon, palalamigin at kapag medyo pwede ng hawakan ay isa-isang babalatan. Madali lamang itong gawin dahil kapag malambot na ang ube ay kusa ng humihiwalay ang balat nito. Kami ng mga pinsan ko ang taga alis ng balat sa ube habang sya naman ang humihiwa nito. Dahil kadalasan gabi na bago ito matapos ay ipinapagpabukas na ang paggigiling dito.

Kinaumagahan ay ilalabas na nya ang gilingan mula sa pinagtataguan nito. Karaniwang nababalot ito ng maraming dyaryo at ilang patong na plastic, minsan nga nakadamit pa ito. Huhugasan nya iyon para maalis ang langis na ipinahid nya rito bago ito itago. Ikakabit nya iyon sa isang mahabang bangko at duon isa isa na kaming magtatago. Dahil kapag nahuli ka nya, lagot ka dahil tiyak sasakit ang dalawang braso mo sa pag-ikot ng gilingan. Pero dahil ang mga bata nuong araw ay me takot pa sa matatanda ay walang nakakalusot sa amin. Relyebo kami sa paggiling ng ube. Hindi lang kasi isang beses ito pinapadaan sa gilingan. Inuulitulit ang paggiling dito hanggang parang maging paste na ang itsura nito. Minsan nauubos ang buong maghapon sa paggiling pa lang ng ube.

Kapag natapos ito ay oras na para ilabas ang talyase o kawa. Malaki ito, pwedeng sumakay ang isang malaking tao. Ilalagay nya rito ang ube, dadagdagan nya ng konting gabi para daw kumunat, gatas, gata, asukal at dayap. Habang ginagawa nya ito ay karaniwang meron ng nagpapringas ng apoy. Di pa uso ang gas range nuon at lahat ay niluluto sa de kahoy na kalan. At dahil malaki ang kawa di pwede ang maliit na kalan na karaniwan nyang ginagamit sa araw araw na pagluluto. Naglalagay sila ng tatlong halos magkakasinglaking bato, dapat malaki ito para makayang masuportahan ang kawa. Sa gitna nito dito sila magpaparingas ng apoy at presto meron ng paglulutuan ng halayang ube.

Kapag handa na ang lahat, dito na maguumpisa ang kalbaryo ng mga lalaking miyembro ng pamilya. Sila kasi ang tagahalo ng halaya. Ito ang pinakamatagal at pinakamahirap gawin kailangan kasing tuloy tuloy ang pag halo nito kundi ay didikit sa kawa ang ube at magtututong. Habang ginagawa ito ay siya namang panay na pagbawal sa amin ni Nanay Munsing na huwag lalapitan ang kawa dahil baka kami mapaso.

Habang hinahalo nila ang halayang ube ay patuloy naman ang pagtitimpla ng lasa nito ni Nanay Munseng. Hawak ang kutsara ay kukuha sya ng kaunti sa gilid ng kawa o kaya ay sa mga nakadikit sa sangdok para tikman. Hihipang ng kaunti saka titikmanng kaunti, ang matitira sa kutsara ibibigay nya sa batang pinakamalapit sa kanya sa mga oras na iyon. Kapag tinikman nya at matabang sa panlasa ay dinadagdagan ng asukal, kapag kulang sa linamnam ay gata at gatas naman ang dinadagdag. Walang takdang oras kung gaano katagal ito dapat lutuin, lahat ay tantyahan lang. Dalawa lang ang basehan niya, una kung tama na ang kunat nito at pangalawa kapag sumuko na ang mga tagahalo dahil sa sobrang pagod sa paghahalo nito. Kapag ganito, oras na para hanguin ang halaya.

Ito na ang pinagkakaabangan naming lahat mapa-bata o matanda kasama na ang mga anak ng kapitbahay ay may kanya kanyang hawak na kutsara para “tikman” ang halaya. Pero di kami basta pwede kumuha sa kawa, dahil kapag ginawa mo iyon mapupukpok ng sandok ang kamay mo. Mula kasi sa kawa ay isasalin na nya iyon sa mga garapong inihanda nya para rito. Bawat bote ay maingat na hinugasan, pinakuluan, pinatuyo at makailang beses pinunasan ng malinis na basahan, kahit ang ginagamit niyang sandok at kutsara dapat tuyong tuyo rin. Sabi ni Nanay Munsing para daw di mapanis ang halaya at magtagal ang buhay kaya dapat gawin ito.

Habang ginagawa nya ito ay abala naman kaming lahat sa pagsimot sa mga sandok na ginamit sa paghalo ng halaya. At kapag natapos na nyang isalin ang halaya, yung kawa naman ang “lilinisin” namin. Sa totoo lang ito yung parteng masarap, dahil malagkit ang halaya habang niluluto, marami kang makukuhang tira-tira sa gilid ng kawa. Kahit medyo tutong na masarap pa rin. Bago kami matapos sa pagtikim ay malinis na ang kawa at mga sandok. Konting hugas na lang ang kailangan pwede na itong itagong muli.

Dahil di pa uso ang ref nuon sa probinsya, itinatago nya lang sa isang lumang platera ang mga bote ng halaya. Gawa iyon sa kahoy at merong pinong screen para di mapasok ng maliliit na hayop. Habang mainit pa ang mga halaya ay di muna ito tatakpan bagkus ay iiwanan nya lamang duon sa loob ng platera hanggang sa lumamig iyon. Walang susi ang platera niyang iyon pero di ka pa rin pwede dumukot dun kasi bilang nya kung ilang bote ang itinago niya duon, tiyak mapapalo ka sa puwet kapag nangupit ka. Bawat bote kasi na anduon ay mayrong pinaglalaanan. Merong pambigay sa mga dumadayong kamag-anak, meron para pabaon sa aming mga taga Maynila, meron para sa mga piling kaibigan at kapitbahay at nakabukod rin ang gagamiting panghanda sa bahay.

Kahit siguro pagtyagaan kong pag-aralan lutuin di ko mapapantayan ang sarap ng halayang ube nya. Dahil wala naman sa ingrendyente at pagtimpla ang sekreto ng sarap nito. Nasa pamimili iyon ng uri ng ubeng ipupunla, aalagaan at aanihin, sa maingat na paglilinis ng bawat gamit na gagamitin sa pagluluto, at sa mahabang oras na nakadarang ka sa init habang niluluto ang halayang ube sa kalang de kahoy.

Otsenta’y nuebe anyos na ang lola ko ngayon. Mahina na ang tuhod, baluktot na ang likod at halos wala na ring panlasa dahil sa kakanganga. Sa dahan-dahan pagkawala ng kanyang lakas at kabataan ay dahan-dahan ring nawawala ang mga tradisyong aming kinalakihan at nakasayanayan. Nakakalungkot mang isipin pero tanggap na namin na di na kami muling makakatikim ng halayang ube ni Nanay Munsing.

No comments: